|
Pulang Luha (Red Tear)
by Lapu-Lapu
Puno ng hinanakit and dibdib
Ngunit kay hirap ipahiwatig
May takot sa bawat sulok ng puso
Nawawalang tabak ng kagitingan
Napalitan...ginto ng kasakiman
Kataksilan nga ba ang kumitil
Sa ugat ng ipinaglalaban?
Magkano nga ba ang paninindigan?
Mga prinsipyong walang saplot
Nangi-ngi-nig sa silak ng pilak
Di ba bawat pawis dugo ang katumbas?
Ang umaalma ay walang makamit na katarungan
Bukas ang kabaong, kung sino man ang nasa loob
Ay di na mahalaga!
Selos ba at ingit ang dahilan ng abang kamatayan?
Kawalan ng tiwala sa isa't isa
May malaking pakinabang
Sa bulok na sistemang may hawak
Sa apoy ng karahasan
Sa pagdadalamhati ay lumabo ang paningin
Kislap ng bituin sa kalangitan
Ay tila bang wala ng ningning
Humahalakhak ang panginoong may lupa
Magkahawak kamay ng mga kapitalistang banyaga
May kinabukasan pa kaya sa sa bayang sinilangan?
Didiligin pa ba ng ulan ang tigang na lupa?
Mga katanungang tila bang walang kasagutan
Kalungkutang tila bang wala ng katapusan
Sa hapdi ng sikmura'y tila bang wala ng pag-asa
Sa lupang tinubuan!
Dahil sa wagas na pag-ibig
Amoy pulbura ang mga kamaong naka tikom
Asirong kumukulo pamatid-uhaw sa gutom na damdamin
Kung saan wala ng sapat na lakas at ang talino ay wala ng silbi
At maging man ang diplomasya ay isang malaking kahibangan
Bukas o sa makalawa tiyak
Magiging kulay pula ang luha
Ito'y aagos sa paanan ng parang
Dadaloy sa dibdib ng gubat
Sa paghahanap ng landas
Tungo sa karagatan ng kasiyahan
Na walang katumbas!
Back to Our Culture
HOME |